Motion for bail ni Palparan, ibinasura ng Malolos court
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Malolos Regional Trial Court ngayong Lunes ang hirit ni retired Army Gen. Jovito Palparan na makapagpiyansa para sa kasong illegal detention at kidnapping.
Si Palparan ang itinuturong nasa likod ng pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sheryln Cadapan noong 2006.
Dinukot sina Empeño at Cadapan ng mga sundalo sa loob ng isang farmhouse sa Hagonoy, Bulacan.
Sinabi ng korte na malakas ang ebidensya laban kay Palparan kaya naman hindi mapagbigyan ang kahilingan na makapagpiyanasa.
"He exercises direct authority, full control and responsibility of command over all uniformed men and civilian personnel stationed at the 7th Infantry Division," pahayag ng korte.
Nitong Hulyo lamang ay isinakdal ng Office of the Ombudsman si Palparan at walo pa dahil naman sa pagkawala ng dalawang magsasaka sa Bulacan din noong 2006.
Dinampot sina Raymond at Reynaldo Manalo dahil pinaniniwalaang mga miyembro ng New People's Army.
- Latest