Ombudsman kinalampag sa tanim-bala
MANILA, Philippines – Kinalampag kahapon ni Sen. Ferdinand Marcos Jr. ang Ombudsman upang imbestigahan si Manila Airport General Manager Jose Anger Honrado at iba pang opisyal na nasasangkot sa tanim-bala sa mga paliparan.
Ginawa ng Senador ang panawagan sa gitna ng pagdududa at akusasyon ng cover-up kaugnay sa resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga insidente ng tanim-bala.
Base sa resulta ng imbestigasyon ng NBI sinampahan ng kaso ang 6 na airport security personnel subalit ayon sa ulat ng ahensya hindi masasabing may sindikato ng “Tanim-Bala” sa mga airport ng bansa.
“Sa pagsasabing walang ebidensya na may sindikato tila pinawalang-sala na ng NBI report ang matataas na opisyal ng airport tulad ni Honrado sa anumang responsibilidad sa tanim-bala. Palagay ko dapat nang pumasok dito ang Ombudsman para magkaroon ng sarili nilang imbestigasyon,” ani Marcos.
Ayon kay Marcos, na noon pa ay nanawagan sa Malacañang na sibakin si Honrado, may kapangyarihan ang Ombudsman na magdesisyon sa sarili nito para imbestigahan ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno tungkol sa kanilang ginawa o hind ginawa na mukhang “illegal, unjust, improper or inefficient”.
“Palagay ko naman ay sapat na ang napakaraming balita tungkol sa nakakasuklam na gawaing ito para magsimula na nang imbestigasyon ang Ombudsman,” ani Marcos.
Sinabi ng Senador na nagkatotoo ang kanyang binitawang salita na nagbabala kaugnay sa sinabi ni Pangulong Aquino na tila wala namang sindikado ng “tanim-bala” dahil 3 lamang sa may 34 milyong pasahero taun-taon na dumadaan sa mga airport ang may reklamo.
- Latest