Koreano pumalag sa deportation case
MANILA, Philippines – Pinalagan ng isang Korean businessman ang aktibong partisipasyon ng isang pribadong lawyer-complainant sa prosekusyon ng kanyang deportation case.
Sa kanyang mosyon, sinabi ni Atty. Redentor S. Viaje, legal counsel ni Kang Tae Sik, na ang pleadings na inihain ni Atty. Alex Tan ay dapat na burahin mula sa record at ang kanyang pakikilahok bilang private
prosecutor o private complainant ay dapat nang ipagbawal.
Tinukoy ni Viaje ang Supreme Court decision sa kasong Lao Gi et al., vs. CA at BID G.R. No. 81798 Dec. 29, 1989, na nagbabawal sa partisipasyon ng pribadong indibidwal sa prosekusyon ng deportation cases.
Wala anyang nakikitang rason ang hukuman kung bakit dapat payagan ang isang pribadong prosecutor na makilahok sa deportation case.
Sa isang Press Statement, sinabi ni Atty. Tan na naghain siya ng mosyon na humihikayat kay Department of Justice (DOJ) Sec. Benjamin Caguioa na kaagad na resolbahin ang apela ni Kang, pangulo ng K&L Jinro Phils.
Nabatid na si Tan ay dating legal counsel ni Kang. Naghain siya ng deportation complaint laban sa dating kliyente matapos na magtatag ng sariling business company na direktang kakumpetensya ng kumpanya ni Kang.
Sinabi ni Viaje na matagal na niyang inirereklamo kung bakit pinayagan ng Bureau of Immigration at ng undersecretary ng DOJ ang aktibong partisipasyon ni Tan sa prosekusyon ni Kang ngunit hindi siya pinakinggan ng mga ito.
Noong Oktubre 28, 2015, sa ilalim ng direksyon ni Tan at sa bisa ng Warrant of Deportation (WoD) ni BI Commissioner Siegred Mison, sinalakay ng mga operatiba ng BI ang tanggapan ni Kang sa Makati at tulad ng isang criminal ay ipinosas ito at saka ikinulong sa Camp Bagong Diwa Taguig.
Matapos ang inihaing mosyon ni Viaje, ipinag-utos ni Caguioa ang pagbawi sa WoD at agarang pagpapalaya kay Kang.
Naninindigan si Viaje na illegal ang pagkaka-isyu ng WoD at pagkakaaresto kay Kang dahil nakabinbin pa ang deportation proceedings laban sa kanyang kliyente.
- Latest