Gawang Pinoy tangkilikin - Peña
MANILA, Philippines - Nanawagan si acting Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. sa mga taga- Makati na tangkilikin ang gawang Pinoy upang higit na makatulong sa lokal na turismo at mga maliliit na mga mangangalakal.
Ngayong araw na ito (Disyembre 8) pasisinayaan nito ang ika-37 “Makati Likhang Kamay Exhibit”, na isasagawa sa Glorietta 4, Activity Center, Ayala Center ng naturang lungsod, na gaganapin hanggang Biyernes, Disyembre 11 ng taong kasalukuyan.
Ang naturang exhibit ay pinangunahan ng Makati Museum and Cultural Affair Office (MCAO), kung saan ipakikita dito ang ibat-ibang uri ng arts at crafts na gawa sa mga kamay ng mga magagaling na craftsmen at artisan, na nagmula sa ibat-ibang lugar sa bansa at ito ibebenta sa merkado.
Ayon kay Peña, bukod sa pagpapa-unlad ng turismo, makakatulong pa aniya ito sa pagtataguyod ng produktong gawang Pinoy, na kikilalanin sa buong mundo.
Makakatulong din ito sa mga local na mangangalakal, dahil sa pamamagitan aniya nito ay maipapakita ang kanilang mga gawang kamay, na ang mga materyales ay Pinoy na Pinoy, tulad ng mga furniture, home decors, accessories at iba pang handicrafts.
Ayon pa sa alkalde, sa pamamagitan aniya ng Likhang Kamay Exhibit, na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Makati, mas marami pang Pilipino ang madisdiskubre na susunod sa yapak ng sikat at multi-awarded furniture designer na si Kenneth Cobonpue.
- Latest