Poe inapela ang disqualification ng Comelec
MANILA, Philippines – Naghain ng motion for reconsideration ngayong Lunes ang kampo ni Sen. Grace Poe sa Commission on Elections (Comelec) en banc upang baligtarin ang hatol sa kaniya ng 2nd Division na diskwalipikahin siya sa 2016 presidential race.
Iginiit ng abogado ni Poe na si George Garcia na pasok sa 10-year residency rule si Poe dahil pagdating ng Mayo 9, 2016, araw ng eleksyon, ay 10 taon at 11 buwan na siyang naninirahan sa bansa.
"Respondent (Poe) had no intention to deceive the electorate or to hide a fact of disqualification with respect to her period of residency in the Philippines" pahayag ni Garcia.
Kinansela ng 2nd Divison ang certificate of candidacy (COC) ni Poe nitong nakaraang linggo dahil sa kakulangan ng taon ng paninirahan sa bansa.
Pinagbasehan nila ang COC ni Poe noong 2013 para sa pagkasenador kung saan nilagay ng senadora na Nobyembre 2006 siya muling nanirahan sa bansa.
Muling sinabi ng abogado na “honest mistake” ang nangyari dahil Mayo 2005 pa naninirahan sa Pilipinas si Poe.
Ilan sa mga inihaing ebidensya ng kampo ni Poe ang identification card ng senadora sa Bureau of Internal Revenue noong Hulyo 2005, kung saan nagpapatunay anila na nagbabayad ng buwis ang senadora ng higit sa 10 taon.
"If the Second Division considered these pieces of evidence, it would have found that [Poe’s] statement that she will be a resident of the Philippines for 10 years and 11 months by May 2016 is not false," wika ni Garcia.
"The Second Division should have observed becoming modesty by taking into consideration and giving persuasive weight to the decision... of the [SET].”
- Latest