Pakiusap ng Comelec sa SC: TRO vs ‘No Bio, No Boto’ tanggalin
MANILA, Philippines – Apektado ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na 2016 elections dahil sa inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema sa kanilang kampanyang "No Bio, No Boto."
"Ang aming pakiusap, mas maganda kung i-lift 'yung TRO para lang makausad na ang aming paghahanda," wika ni Comelec Chair Andy Bautista sa kaniyang panayam sa dzMM.
Iginiit ni Bautista na nasa Republic Act 10367 o Mandatory Biometrics Registration Act ang kanilang kampanya na naglalayong malinis ang listahan ng mga botante.
Nagbabala rin ang Comelec chairman sa posibleng hindi matuloy na eleksyon dahil sa TRO ng mataas na hukuman.
Nakatakdang ilabas ng poll body ang final voters’ list sa Disyembre 15, ngunit dahil sa kautusan ng korte ay kailangan nilang ibalik ang higit 2 milyong pangalan na nauna na nilang inalis dahil walang biometrics.
Inilabas ng Korte Suprema ang kanilang desisyon laban sa kampanya ng Comelec matapos maghain ng petisyon ang iba’t ibang militanteng grupo sa pangunguna ni Kabataan party-list Rep. Terry Ridon.
- Latest