Pinoy 28 beses sinaksak ng kapwa OFW sa Taiwan
MANILA, Philippines – Dalawmput walong saksak sa katawan ang tinamo ng isang OFW buhat sa nakaaway nitong kababayan na tumakas pauwi ng Pilipinas.
Sa ulat ng Manila Economic Office (MECO)-Taiwan, ang biktima ay kinilalang si Edmar de Guzman, 22, habang ang suspek na tumakas pauwi ng Pilipinas ay si Guillmar Perez Cumpa, 31, pawang manggagawa ng Jedegal Manpower.
Himalang nabuhay si Guzman na naratay sa pagamutan sa Taiwan.
Nakikipag-ugnayan na ang MECO-Taiwan sa mga otoridad at sa Pilipinas upang matunton si Cumpa matapos na palihim na umuwi sa Pilipinas noong Nobyembre 4, 2015.
Naganap ang insidente nang magkaroon ng “barbecue party” ang mga manggagawa ng Jedegal Manpower habang kasagsagan ng mid autumn festival sa Taiwan noong Setyembre 19, 2015. Dito nagkaroon ng pagtatalo sina de Guzman at Cumpa na kapwa na mga lasing hanggang sa maghamon ng suntukan.
Hindi tinanggap ni Cumpa ang hamon ni de Guzman hanggang sa pumunta na lamang ang huli sa kanyang kuwarto upang magpahinga dahil sa kalasingan.
Dakong alas-4:00 ng madaling-araw ay ginising ni Cumpa si de Guzman at sinabing tinatanggap na ang hamon na kung saan dito na bumunot ng patalim ang una at pinagsasaksak ang huli.
- Latest