Bata, kabataang nagkaka-HIV dumarami
MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga bata at kabataang nagkakaroon ng human immunodeficiency virus (HIV) sa nakalipas na limang taon.
Batay sa datos ng DOH Epidemiology Bureau, 974 o tatlong porsiyento ng kaso ng HIV simula 1984 ay kinabibilangan ng mga kabataan o nasa edad 19 pababa habang 80 porsiyento naman ang bata.
Nabatid na noong Oktubre ay naitala sa HIV/ AIDS and ART Registry of the Philippines ang pagkakaroon ng infection ng isang apat na taong gulang na bata at 22 katao na nasa edad 12-19.
Lumilitaw na isang bata at kabataan ay nagkaroon ng infection dahil sa mother-to-child transmission habang ang iba naman ay nakuha ang impeksiyon dahil na rin sa sexual transmission.
Aminado rin ang health department na ang pagtaas ng HIV case ay dahil sa transactional sex o pakikipagtalik ng may bayad.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, nakakalungkot lamang na patuloy ang pagtaas ng bilang ng HIV cases sa bansa habang bumababa naman sa ibang bansa.
Mas nakakabahala aniya na ang mga nagkakaroon ng HIV infections ay pabata ng pabata kaya’t pinag-iisipan ng DOH ang pagsasagawa ng anti-HIV/AIDS campaign sa mga paaralan.
Kailangan aniya na mabigyan ng proteksiyon ang kalusugan ng mga susunod na henerasyon.
- Latest