Comelec ibinasura ang hirit ni Poe na pag-isahin ang DQ cases
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkules ang hiling ni Sen. Grace Poe na pag-isahin na lamang ang apat na disqualification case na inihain laban sa kaniya.
Ang second division ng Comelec ang nagbasura sa motion to consolidate ng kampo ng senadora.
Sina dating Sen. Francisco "Kit" Tatad, De La Salle University professor Antonio Contreras, University of the East Law dean Amado Valdez at abogadong si Estrella Elamparo ang naghain ng mga disqualification case.
Ang first division naman ng poll body ang humawak sa mga petisyon nina Tatad, Contreras at Valdez na pawang mga tumanggi rin na pag-isahin ang kanilang mga reklamo sa inihain ni Elamparo.
Kinukuwestiyon nina Tatad, Valdez at Elamparo ang citizenship ni Poe, habang isyu naman sa residency ang dahilan ni Contreras.
Nais ng apat na nagrereklamo na ibasura ang certificate of candidacy ni Poe.
Samantala, nitong nakaraang linggo lamang ay ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang disqualification case laban din kay Poe.
Inihain ni Rizalito David ang petisyon upang diskwalipikahin si Poe bilang senadora dahil sa kaniyang citizenship.
- Latest