NBI, PNP clearance sa pagkuha ng lisensiya sinuspinde ng LTO
MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong panuntunan nito na nag-aatas sa mga kukuha ng professional driver’s license na kumuha ng clearance sa pulisya at NBI.
Sa pagdinig ng national budget ng DOTC kinuwestiyon nina Senate President Franklin Drilon at Senate Pro Tempore Ralph Recto ang nasabing polisiya na anila’y pahirap lamang sa mga mamamayan.
Ayon kay Recto, dapat lang na suspendihin muna ito dahil delayed naman ang paglalabas ng mga plaka ng mga sasakyan at nababalam rin ang pagpapalabas ng mga driver’s license.
“Delayed na yung license plate, delayed na yung driver’s license, pahihirapan na naman natin yung ordinaryong nagmamaneho, naghahanapbuhay,” ani Recto.
Kinuwestiyon naman ni Drilon kung anong klaseng impormasyon sa mga pulis at NBI clearance ang magiging daan upang hindi mabigyan ng driver’s license ang isang kumukuha ng lisensiya.
“Will any kind of a pending case which appears in the NBI list disqualifies one from having license? Ano ho bang yung mga krimen o mga kaso na dahilan sa pendency na hindi na magkakaroon ng professional license?” ani Drilon.
Sabi naman ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, nag mga krimen ay tungkol sa “crime against persons at property at moral certitude.”
Dahil hindi sapat para kay Drilon ang mga paliwanag na natanggap, iginiit nito sa DOTC na pansamantalang ipasuspinde sa LTO ang nasabing bagong polisiya.
- Latest