APEC tagumpay, trapik sablay
MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkadismaya ang maraming netizens kabilang si Vice Pres. Jejomar Binay sa umano’y kawalan ng kahandaan ng pamahalaan sa pagharap ng sitwasyon sa trapiko sa Metro Manila sa naganap na isang linggong summit ng Asia-Pacific Economic Cooperation bagaman makikinabang ang Pilipinas sa pagdaraos sa bansa ng pulong na ito.
“Nakatutuwa at nagkaroon tayo ng APEC meeting dito. Ang nakakalungkot nga lamang ay mukhang hindi masyadong tama ang pagkakahanda dahil sa nariyan iyong may nanganak sa kalye dahil sa traffic. Abot-abot ang naging problema dahil sa traffic,” puna ni Binay.
Gayunman, idiniin ng Bise Presidente ang kahalagahan ng pagiging punong-abala sa pulong ng APEC dahil ang pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa mga miyembrong bansa ng APEC ay bumubuo sa 89 porsiyento ng kabuuang kalakalan sa bansa.
“Ang APEC ay kasama sa pagiging miyembro natin ng international community. So natutuwa naman ako na dito naganap ang APEC meeting,” dagdag ni Binay na naitalagang sumalubong sa iba’t-ibang head of state na dumalo sa pulong ng APEC. Dumalo rin siya sa APEC Economic Leaders’ welcome dinner na nagtampok anya sa galing ng mga Pilipino.
“At the end of the meeting maibibigay naman sa inyo kung ano ang napala natin, ano ang napag-usapan, ano ang napag-pirmahan. May napala naman,” wika niya.
- Latest