Tatlo tiklo sa drug bust
BULACAN, Philippines – Tatlo-katao na sinasabing notoryus na drug pusher ang inaresto ng pulisya sa isinagawang “Operation One Time Big Time” sa Barangay Pulong Buhangin, bayan ng Santa Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Mike Nico Pascual, 29, bus driver; Archieval “Vic” Toyo, 39, nakatala bilang ika-4 sa drug watchlist ng PNP; at si Abner Tupaya, 32, waiter at mga nakatira sa KM.39, Garden Village sa nasabing barangay.
Sa isinumiteng ulat kay P/Supt. Rodolfo Hernandez, sinalakay ng pulisya ang pinagkukutaan ni Pascual dahil sa dalawang warrant of arrest na inisyu ni Judge Wilfredo Nieves ng Malolos City Regional Trial Court Branch 84 sa Bulacan para sa kasong qualified theft at Anti-Fencing Law kung saan walang inirekomendang piyansa.
Samantala, sinalakay din ang bahay ni Toyo kasama si Tupaya sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Alexander Tamayo ng Malolos City Regional Trial Court Branch 15 kung saan nasamsam ang dalawang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
- Latest