Telemedicine para sa remote areas sa Mimaropa
MANILA, Philippines – Nilagdaan na ang isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Health-MIMAROPA, National Children’s Hospital and Medical Center para sa proyektong ‘Telemedicine’ na tutugon sa mga pangangailangang medikal sa malalayo at liblib na lugar sa Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.
Ang MIMAROPA ay sakop ng Region 4B, na maituturing na Geographically Isolated And Disadvantaged Areas (GIDA).
Sinabi ni DOH-MIMAROPA Regional Director Dr. Eduardo Janairo at Medical Center Chief Epifania Simbul, layunin ng Memorandum of Agreement (MOA) na tiyaking maibibigay sa mga mamamayan sa rehiyon ang parehas at abot-kayang serbisyong medikal para sa mga mahihirap at underserved sa pamamagitan ng telemedicine.
Sa ilalim ng MOA, ang NCH ang magbibigay ng technical and logistical support sa pamamagitan ng pagtatalaga ng resident doctors at ng medicine consultants na magsasagawa ng evaluation, diagnosis and recommendations sa mga pasyente sa pamamagitan ng electronic mail na itinatag sa naturang programa.
Sa sandaling matanggap ang initial findings, iprepresenta ito ng resident doctor sa medicine consultant kasunod nito ang pagsasagawa nila ng evaluation sa kalagayan ng ini-refer na pasyente sa pamamagitan ng video conference.
Habang makikipag-ugnayan naman ang DOH-MIMAROPA sa NCH kaugnay sa implementasyon at mga proseso ng telemedicine project kasama na rito ang documentation, recording at research, ang regional office din ang magsasagawa ng initial assessment sa mga pasyente, gaya ng pagkuha ng mga personal data at ipadadala sa NCH pitong araw bago ang itinakdang consultation session.
- Latest