Pinas handa na sa ASEAN integration
KUALA LUMPUR – Ipinahayag kahapon ni Pangulong Benigno Aquino na makikiagos ang Pilipinas sa ganap na integrasyon ng Association of Southeast Asian Nations na lalagda sa isang deklarasyong magtatanggal sa mga hadlang nang sa gayon ay maging isang single market at economy ito.
Inaasahang pipirmahan ngayon ng mga lider ng ASEAN ang Kuala Lumpur Declaration on the Establishment of the ASEAN community at ang Kuala Lumpur Declaration on the ASEAN (Vision) 2025.
Sa kanyang intervention sa plenary session dito ng 27th ASEAN summit, sinabi ni Aquino na titiyakin ng Pilipinas na maipapatupad ito alinsunod sa national development plan ng bansa.
“Ang pormal na pagtatatag ng ASEAN community ay saksi sa mga natamo natin mula nang mabuo ang ASEAN noong 1967. Noon at ngayon, meron tayong sama-samang kinakaharap na mga pagsubok. Tatandaan natin ito sa ating paglalakbay na may matibay na paninindigan na tiyakin ang tamang lugar ng ASEAN sa Asya at sa mundo,” sabi ni Aquino.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary for ASEAN Affairs Luis Cruz na, batay sa report ng Department of Trade and Industry, 84 na porsiyento nang handa ang Pilipinas sa integration.
Binanggit halimbawa ni Cruz na kabilang sa malaking isyu ang sa mga produktong agricultural at ang Pilipinas ay makakatulong para ma-diversify ang industriya ng asukal bago tanggalin sa sektor na ito ang import duties.
- Latest