PNP, AFP full alert pa rin
MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagtatapos kahapon ng APEC ay mananatili sa full alert status ang PNP at AFP at hindi muna magbaba ng alerto hangga’t hindi nakakaalis sa bansa ang mga natitira pang mga delegado na nasa bansa.
Kahapon ay umalis na si US Pres. Barack Obama dakong alas-12:10 ng tanghali lulan ng kanyang Air Force One.
Kaugnay nito, inihayag naman ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na inalis na ang “no fly” at “no sail” zone policy sa Manila Bay.
“It’s generally peaceful,” pahayag naman ni PNP Spokesman C/Supt. Wilben Mayor.
Dakong alas-4 ng hapon kahapon ay binuksan na ang mga isinarang kalsada sa Metro Manila na ilang araw ding naka-lockdown bunsod ng APEC Summit.
Kaya naman agad napuno ang ilang pangunahing lansangan dahil sa dami ng sabay-sabay na naglabasang mga sasakyan.
Samantala, hindi sabay-sabay papauwiin ang mga pulis na hinugot sa iba’t ibang probinsiya at dinala rito sa Maynila para sa seguridad ng APEC summit.
Ayon kay Mayor, binigyan sila ni PNP Chief Police Director General Ricardo Marquez ng pagkakataong makapamasyal o makita ang magagandang lugar dito sa Metro Manila.
Ito ay pakonsuelo sa mga pulis sa inilaan nilang panahon, pagod, at puyat sa pagganap sa kanilang tungkulin sa panahon ng APEC Summit.
Una rito ay inilibre ni Marquez ng ice cream ang ilang pulis habang nasa kanilang area of deployment.
Ito ay para maibsan naman aniya kahit papano ang mainit na pakiramdam ng mga pulis na maghapong nakabilad sa matinding sikat ng araw.
- Latest