Grace, Chiz nanguna uli sa bagong Pulse Asia survey
MANILA, Philippines – Sa kabila umano ng ‘black propaganda’ laban kay Senadora Grace Poe, hindi umano nakaapekto ito sa paniniwala ng publiko sa kanya matapos manguna pa rin sa latest Pulse Asia survey para sa mga kandidatong presidente sa 2016 elections.
Ayon sa naturang presidential survey na ginawa mula Oktubre 18 hanggang 29, 2015 sa 3,400 na respondents, nasa top spot pa rin ng listahan si Poe dahil sa nakuha niyang 39 percent.
Umangat pa ang senadora ng 13 puntos mula sa 26 percent niya noong Setyembre.
Nasa pangalawang pwesto naman si Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 24 percent, mula sa dating 19 percent.
Umakyat naman ng isang puntos si dating Interior Sec. Mar Roxas sa 21 percent.
Dahil dito, nanatili siya sa ikatlong pwesto kagaya ng nakaraang survey.
Malaki naman ang itinaas ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, dahil mula sa tatlong porsyento ay naging 11 porsyento ito.
“Ako’y nagpapasalamat sa pagtitiwala sa atin ng ating mga kababayan na kahit ganoon ang nangyari, tiwala pa rin ang ating mga kababayan sa ating intensyon at sa ating katapatan,” pahayag ni Poe.
Sa vice presidential race, nanatili ring nangunguna ang running mate ni Poe na si Senator Francis “Chiz” Escudero na nakalikom ng 43 porsiyento.
“Kasabay po ng buong pagpapakumbaba namin at pagpapasalamat sa mga tiwalang ibinigay sa atin ng ating mga kababayan, “ sabi naman ni Escudero.
Pumangalawa kay Escudero si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (21 porsiyento), na sinundan ni Sen. Alan Peter Cayetano (11%),Camarines Sur Rep. Leni Robredo (7%) at Sen. Antonio Trillanes IV (6%).
- Latest