Coaster sinalpok ng trak 14 Pinoy patay sa Saudi
MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 14 na Overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi habang 12 pang Pinoy pa ang malubhang nasugatan nang salpukin ng isang trailer truck ang kanilang sinasakyang coaster sa Saudi Arabia noong Martes.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, nakontak na ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang Human Resources department ng Saudi Arabia Kentz, isang contracting at engineering company na pinapasukan ng mga OFWs at sa kanilang nakuhang ulat ay 14 ang patay na Pinoy at marami ang sugatan.
“Our embassy in Riyadh was able to contact the HR of the company and the unofficial report they got was that a number of Filipino workers rode a coaster last night (Tuesday) from work site to accommodation and got into a traffic accident,” ayon kay Jose sa kanyang text message sa PSN.
Sa inisyal na report, may 26 Pinoy na karamihan ay electricians ang sakay ng nasabing coaster na minamaneho ng isang Pakistani national.
Sa nasabing bilang, 13 ang sugatan kabilang ang Pakistani driver nang banggain ng delivery truck ang coaster dakong alas-5:30 ng hapon sa kahabaan ng Hofuf, Al-Ahsa sa Eastern region.
Nabatid na papauwi na ang mga OFWs sa kanilang akomodasyon o tirahan mula sa trabaho sakay ng coaster na bahagi ng 7-vehicle convoy nang maganap ang nasabing trahedya.
Nagkalat ang mga katawan ng mga duguang biktima sa daan at mabilis silang isinugod ng mga rescuers sa King Fahad Hospital-Hofuf.
Sinabi ni Jose na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Embahada sa employer ng mga OFWs upang makuha ang kanilang pagkakakilanlan at mabigyan ng agarang tulong ang mga biktima at kanilang pamilya at sa inaasahang pagpapauwi sa mga labi ng mga nasawi.
“Management is at the site and hospital and would officially inform the embassy upon finalizing report on the incident,” dagdag ni Jose.
- Latest