Sen. Poe wagi sa SET
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang disqualification case laban kay Senator Grace Poe ni Rizalito David tungkol na rin sa isyu ng citizenship nito.
Sa botong 5-4, dinismis ang petition ni David na idiskuwalipika si Poe upang tumakbo sa pagkapangulo sa 2016.
Ang mga senador na bumoto para balewalain ang petisyon ay ang mga kasamahan sa Senado ni Poe na sina Senators Loren Legarda, Cynthia Villar, Bam Aquino, Pia Cayetano at Tito Sotto.
Habang ang mga bumoto para i-disqualify si Sen. Grace ay sina Supreme Court Sr. Associate Justice Carpio, SC Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro, SC Associate Justice Arturo Brion at Sen. Nancy Binay.
Kinuwestyon ng natalong 2013 senatorial candidate na si David sa SET ang pagiging natural-born Filipino ni Poe dahil sa pagiging ampon nito. Sa ilalim ng Konstitusyon ay dapat isang natural-born Filipino citizen ang mga kandidato sa presidente, bise-presidente, senador at kongresista habang ang mga tumatakbo sa local positions ay puwedeng naturalized citizens.
Bukod sa inihaing disqualification sa SET ay 4 pang disqualification case ang isinampa laban kay Poe sa Commission on Elections (Comelec) na kumukuwestyon din sa pagiging natural born Filipino citizen nito.
Sabi ng legal counsel ni Poe na si Atty. George Garcia, nagpapasalamat sila sa naging desisyon ng SET at ang panalo ni Poe sa kasong ito ay panalo rin ng mga Filipino foundlings.
Ayon naman sa tagapagsalita ni Sen. Poe na si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, naniniwala sila na mababasura na rin ang 4 pang inihaing disqualification case ni Poe sa Comelec.
- Latest