Malacañang nag-sorry sa mga naabala ng APEC
MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang Malacañang sa mga mamamayang apektado o naperwisyo sa security measures na ipinatupad kaugnay sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, hiling din nila ang pang-unawa sa mahigpit na hakbang para sa seguridad ng mga delegado at publiko.
Nag-sorry si Coloma sa taumbayan dahil sa idinulot na matinding traffic partikular ang mga nagmula sa lalawigan ng Cavite dahil sa pagsasara ng mga kalsada sa Roxas Blvd. at iba pang pangunahing kalye sa Metro Manila.
Ayon kay Coloma, sana ay maintindihan ng mga mamamayan ang kahalagahan ng pagpupulong na maghahatid ng benepisyo kinabukasan.
Magugunitang simula pa lang nitong Lunes ay napakaraming mga empleyado ang walang masakyan o naipit sa matinding daloy ng trapiko kaya naglakad na lamang pauwi o papasok ng trabaho.
Samantala, nag-sorry din ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng mga naabala bunsod ng matinding trapik na kanilang naranasan.
Ayon kay PNP-PIO Chief, P/Chief Supt. Wilben Mayor, ang itinalagang tagapagsalita ng Task Force APEC, dapat umanong lawakan pa ng publiko ang kanilang pasensya sa inconvenience sa panahon ng APEC.
Giit ni Mayor, ilang araw lamang naman ang itatagal ng APEC kaya sana’y kaunting sakripisyo naman at makipagtulungan na lamang sa mga otoridad para matiwasay na maidaos ang world leaders meeting sa bansa.
Ito aniya ang maaaring maging kontribusyon ng publiko sa APEC na inaasahang malaki ang magiging pakinabang sa bansa sa aspeto ng pagpapaunlad ng ekonomiya.
- Latest