Suportang pang-depensa tiniyak ni Obama sa Pinas
MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni US Pres. Barack Obama na makakaasa ang Pilipinas ng suporta sakaling mangailangan ang pamahalaan ng tulong sa usaping pang-depensa.
Si Obama ay dumating na kahapon lulan ng Air Force One upang dumalo sa APEC Summit.
Binisita nito ang BRP Gregorio del Pilar ng Philippine Navy na nakadaong sa Pier 13 sa South Harbor, Manila.
Dito ay sinabi ni Obama na nananatili ang pangako ng pamahalaan ng Amerika upang bigyang proteksyon ang kalayaan sa pandaigdigang paglalayag malapit sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
“The United States has been committed to the security of this region for more than 70 years. We have a treaty obligation, ironclad commitment to the defense of our ally the Philippines,” pahayag ni Obama.
Nasa kalahating oras lamang ang itinagal ni Obama sa loob ng BRP Gregorio del Pilar kung saan kinausap nito sina Defense Sec. Voltaire Gazmin at AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri.
Tiningnan ni Obama ang pasilidad ng barko na dating US Coast Guard cutter na idinonasyon sa bansa at kinumusta ang mga sailors na naka-duty dito.
Sinabi ni Obama na nakatulong ang dating barko ng Amerika sa disaster response ng bansa, isyu ng counter terrorism at pagpapatrulya sa South China Sea.
Nangako rin si Obama na magbibigay ang Amerika ng dalawa pang military ships sa Pilipinas.
“This is part of our larger plan to increase maritime security assistance to our allies and our partners across the region - $250 million in the course of two years. More capable navies and partnership with the United States are critical for the security of this region,” dagdag pa ng US President.
- Latest