TODA dapat suportahan - Leni
MANILA, Philippines – Dapat ituloy ng pamahalaan ang mga programang magbibigay ng patas na pagkakataon at pantay na laban sa lahat ng sektor ng lipunan, lalo na ang mga mahihirap.
Ito ang mensaheng ipinarating ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo sa pagtitipon ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Pangasinan.
“Ang atin pong paniwala, kung sino iyong nahihirapan, dapat iyong gobyerno tinutulungan iyan,” wika ni Robredo nang tanungin ukol sa posibilidad na ibalik ang Tawid Pasada Program ng pamahalaan.
Ang Tawid Pasada Program ay ipinatupad ng pamahalaang Aquino upang mapagaan ang pasanin ng mga nagmamaneho ng public utility jeep at tricycle ukol sa mataas na presyo ng gasolina.
Bago pa man inilahad ni Robredo ang plano para mapa-angat ang kalagayan ng mahihirap, matagal na siyang nagpapatupad ng programa sa ikatlong distrito ng Camarines Sur para sa mga magsasaka.
Binanggit ni Robredo na sa kanyang distrito, inuuna ang mga magsasaka na mas nangangailangan ng tulong upang mapaangat ang kanilang kabuhayan.
“Tinipon namin ang mga magsasakang mabababa ang kita at pumasok pa kami sa isang convergence program kasama pa ang DSWD at UAE sa Qatar, para iyong buhos ng tulong sa kanila i-concentrate,” wika ni Robredo.
Ang nasabing proseso ay maaari ring ipatupad sa sektor ng transportasyon upang maiangat din ang kalagayan ng mga tsuper at iba pang nagtatrabaho sa nasabing industriya.
- Latest