Paris attack talakayin sa APEC – Gringo
MANILA, Philippines – Iminungkahi kahapon ni Senador Gregorio Honasan na isama sa adyenda ng Asia-Pacific Economic Cooperation ang naganap na pag-atake ng mga terorista sa Paris, France na ikinasawi ng mahigit 120 katao noong Biyernes.
Sinabi ni Honasan na mahalagang pag-usapan ng mga lider sa mundo ang banta ng terorismo bunsod ng naganap na pamamaslang sa Paris at hindi lang pag-ibayo sa seguridad sa Apec.
Sinabi pa ni Honasan na dapat isama sa pormal na adyenda ng Apec ang naganap na pag-atake ng mga terorista sa Paris bilang pundamental na basihan ng pagtutulungang pangkabuhayan sa Asia-Pacific at sa lahat ng malayang demokrasya.
Kasabay nito, nanawagan ang ilang kongresista sa publiko na tumulong at maging alerto para malabanan ang terorismo sa mga araw na gaganapin ang APEC summit.
Ayon kina Magdalo partylist Rep. Ashley Acedillo at Antipolo Rep. Romeo Acop na mismong ang publiko ang dapat tumulong at mag-ingat para sa mga sarili at sa pamilya kasunod na rin ng pag-atake ng ISIS sa Paris, na nag-iwan ng humigit kumulang 120 kataong nasawi.
Payo ng mga kongresista, sunding mabuti ng mamamayan ang mga utos ng gobyerno dahil ito ay para na rin sa kanilang kaligtasan.
Giit dito ni Acop, kung wala naman pupuntahan ay huwag na lamang umalis ng bahay at iwasan munang magpupunta sa mga lugar na tinitipunan ng maraming tao.
Ito umano ang isa sa mga paraan ng mga terorista sa pag-atake kung saan sa mga lugar na maraming tao sila naghahasik ng gulo upang mas maraming madamay at makalikha ng pangamba sa buong mundo.
Para naman kay Acedillo, tiwala siya sa preperasyon ng pamahalaan para sa pagpapaigting ng seguridad dahil bago pa man ang APEC ay pinag-isipan at may sapat na pwersa at paghahanda para sa kaligtasan ng lahat.
Idinagdag ni Acop na hindi dapat maging kampante lalo na ang otoridad at sa halip ay palakasin pa ang intelligence operations aspect sa mga susunod na araw upang matiyak na walang banta ng pag-atake ng terorista sa bansa.
- Latest