Putin tumawag kay PNoy sa ‘di pagdalo sa APEC
MANILA, Philippines – Ikinalungkot ng Palasyo ang hindi pagdalo nina Russian President Vladimir Putin at Indonesian President Joko Widodo sa nakatakdang APEC Summit sa susunod na linggo.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, tumawag na kay Pangulong Aquino si Putin at humingi ng dispensa sa hindi pagdalo sa APEC meeting.
Wika umano ni Putin sa Pangulo na nakatutok siya sa imbestigasyon ng Russian jet liner na sumabog habang nasa himpapawid at ikinasawi ng mahigit dalawang daang pasahero at crew nito.
Personal na ring inihayag ni Putin na si Russian Prime Minister Medvedev ang mangunguna sa kanilang delegasyon.
Ayon kay Valte, nauunawaan naman daw ni Pangulong Aquino ang dahilan ni Putin at sinegundahang manatili na lamang sa Russia para asikasuhin ang local issue doon.
Samantala ayon sa source, hindi raw komportable si Widodo na mawawala sa bansa ng 10 araw para dumalo sa G20 Summit, APEC at ASEAN meeting, gayung maraming problema na kinakaharap ang bansa at isa na rito ang haze na mula sa forest fires sa Indonesia.
Papalitan ni Indonesian Vice-President Jusuf Kalla si Widodo sa APEC Meeting.
- Latest