‘Honest mistake’ sa COC inamin ni Poe
MANILA, Philippines - Inamin ng kampo ni Sen. Grace Poe na may pagkakamali sila sa Certificate of Candidacy na inihain ng una nuong 2012 nang siya ay tumakbo sa 2013 elections.
Sa pagdinig sa Comelec, ipinaliwanag ni Atty. George Garcia, abugado ni Poe, na ‘honest mistake’ ang nangyari nang ideklara ni Poe sa kanyang 2012 COC na anim na taon at anim na buwan na siyang nananatili sa bansa pagsapit ng 2013 Elections.
Naungkat ang 2012 COC ni Poe dahil isa ito sa pinagbatayan ni Atty. Estrella Elamparo sa kanyang reklamo na hindi aabot si Poe sa minimum residency requirement na 10 taon para kumandidato sa pagka-pangulo.
Paliwanag ni Garcia, wala namang kasamang abugado si Poe nang siya ay magsumite ng 2012 COC at nang bilangin ang haba ng kanyang paninirahan sa Pilipinas. Hindi umano maituturing na grave error at pagsisinungaling ang nasabing ‘honest mistake’ kaya hindi maaring mapanagot si Poe sa kasong perjury.
Aminado din ito na bumiyahe siya matapos ang kanyang reacquisition ng kanyang Filipino citizenship nuong 2006 hanggang March 2010 gamit ang kanyang US Passport. Subalit ito ay bilang convenience lamang at lumalabas din kasi na nang mga panahong iyon, si Poe ay isang dual citizen.
Gayunman, ito ay hindi na umano naulit nang ganap na maitakwil ni Poe ang kanyang American Citizenship nuong October 2010.
Samantala, mahigpit ding pinagtalunan ang interpretasyon ng probisyon sa 1935 Constitution kaugnay ng citizenship. Ang 1935 Constitution ang iiral umano sa kaso ni Poe dahil siya ay isinilang nuong 1968. Paliwanag ni Elamparo, dahil hindi kasama ang foundling sa mga idineklara ng batas na ituturing na natural born citizen, hindi niya maaring igiit na siya ay natural born citizen.
Sa ganitong pagkakataon, hindi umano maaring lumayo ang Comelec sa letra o literal na kahulugan ng batas dahil malinaw naman ang nais nitong ipabatid. Para kay Elamparo, sa aspetong legal, stateless na maituturing si Poe.
- Latest