6 bangkay pa sa ‘Yolanda’ nakuha
MANILA, Philippines – Tacloban City, Leyte - Dalawang taon matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda, anim na bangkay pa ang nadiskubre kahapon sa likod ng isang eskwelahan sa lalawigan.
Bandang alas-11 ng umaga ng aksidenteng madiskubre ng isang nangangahoy ang isang ulo ng bangkay sa likod ng eskwelahan ng San Jose National High School sa Brgy. 87 San Jose, Tacloban City.
Sa salaysay ni Kagawad Nelson Rosello, nagtungo sa kanilang barangay ang nangangahoy na nagngangalang Comendido at iniulat na may nakita silang bangkay at kaagad nilang pinuntahan.
Subalit laking gulat umano nila ng anim na kalansay pa ang madidiskubre nila kung saan dalawa lang dito ang may ulo, isa ang hinihinalang bata at babae.
Matatandaan na dalawang taon na matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa bansa at ang Tacloban City ang isa sa bayan ng Leyte na lubhang napinsala.
Ngayong araw, Nobyembre 8, ginugunita ang ikalawang taon ng pananalasa ng nasabing supertyphoon.
Base sa ulat ni Edgar Posadas, hepe ng Office of Civil Defense sa Tacloban, sa pinaka latest nilang listahan noong Hunyo 2014 ay naitala sa 5,894 ang nasawi sa Yolanda habang wala naman silang record kung ilan pa ang missing.
- Latest