Sen. Lapid kinasuhan ng graft sa fertilizer scam
MANILA, Philippines – Sinampahan ng Ombudsman ng kasong graft sa Sandiganbayan si Sen. Lito Lapid kaugnay ng fertilizer fund scam noong siya ay gobernador pa ng lalawigan ng Pampanga.
Kapwa akusado ni Lapid sina Benjamin Yuzon, provincial accountant at Vergel Yabut, treasurer ng Pampanga, Ma. Victoria Aquino-Abubakar at Leolita Aquino, mga incorporators ng Malayan Pacific Trading Corp.(MPTC) at Dexter Vasquez, proprietor ng DA Vasquez Macro-Micro Fertilizer Resources (DAVMMFR).
Nagkaroon umano ng sabwatan ang mga akusado noong Mayo 2004 sa pagbili ng overpriced na fertilizer.
Umabot sa 3,880 litro ng Macro-Micro Foliar Fertilizer ang binili ng Pampanga sa DAVMMFR at ipinamigay ng MPTC.
Pero napatunayan ng Ombudsman prosecutors na hindi umano dumaan sa public bidding ang mga fertilizer at pinalabas lamang sa sertipikasyon ni Lapid na wala ng ibang maaaring ipampalit na abono sa kanilang nabili kayat pumasok ito sa direct purchase.
Kinuwestyon din ang mabilis na delivery at pagbabayad sa proyekto na tumagal lang ng 14 araw.
Sa record, Agosto 15, 2005 lang nag-aplay ng Product Registration si Vasquez sa Fertilizer Pesticide Authority pero ang kontrata ay nangyari noong Mayo 2004.
Sinasabing P4.7 milyon ang ibinayad sa MPTC ng Pampanga o P1,250 kada litro o overpriced ng P1,100 kada litro o kabuuang P4.268 milyon.
- Latest