Mister ni Poe tatalikuran ang American citizenship
MANILA, Philippines – "Hindi kayo magkakaroon ng 'American boy' sa Malakanyang.”
Ito ang tiniyak ni Sen. Grace Poe kung mananalo siya bilang pangulo sa eleksyon 2016.
Sinabi ni Poe na handa ang kaniyang asawang si Neil Llamanzares na talikuran ang kaniyang American citizenship.
"Nag-usap na kami ng aking asawa bagama't by birth kasi siya naging citizen, para mawala na ang pagdududa na 'yan at para ipakita niya ang kumpiyansa sa aking administrasyon, siya ay talaga namang magre-renounce," wika ni Poe sa kaniyang panayam sa dzMM kahapon.
BASAHIN: DNA test ni Poe, negatibo
Mayroong dual citizenship si Llamanzares dahil pinanganak siya sa Estados Unidos sa mga magulang niyang kapwa Pilipino.
Samantala, hindi naman niya pipilitin ang anak na si Brian Poe Llamanzares na sundin ang balak ng ama.
Tulad ng kaniyang ama ay ipinanganak din si Brian sa Estados Unidos, habang ang dalawang kapatid na babae na sina Hanna at Anika ay dito sa Pilipinas isinilang.
Nahaharap sa disqualification case si Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET) at Commission on Elections matapos kuwestiyunin ang kaniyang pagiging tunay na Pilipino.
Nag negatibo naman ang resulta ng DNA test ni Poe sa kaniyang mga posibleng kamag-anak.
Sa kabila nito ay kumpiyansa pa rin siya na maipapanalo niya ang kaso.
"Wala po akong duda sa aking puso, sa aking isip, ako po ay Pilipino.”
- Latest