3.5 milyong pamilyang Pinoy nagugutom
MANILA, Philippines – Ipinahayag kahapon ng United Nationalist Alliance na iskandaloso ang huling survey report ng Social Weather Station na nagsasaad na 3.5 milyong pamilyang Pilipino ang dumaranas ng kagutuman.
Sinabi ni UNA spokesperson Mon Ilagan na ang nakakagimbal na insidente ng kagutuman na iniulat ng SWS para sa third quarter ng taong 2015 ay sumasalamin sa kawalan ng malasakit ng administrasyong Aquino sa kabila ng mga deklarasyon nito na patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang mga kagutuman sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa at inisyatiba.
Lumilitaw sa survey kamakailan ng SWS na kinomisyon ng BusinessWorld na ang mga insidente ng kagutuman ay tumaas nang 13.5 porsiyento sa third quarter ng taong 2015 mula sa 12.7 porsiyento noong second quarter.
Sinabi ni Ilagan na ang kawalan ng trabaho at kagutuman ang pangunahing sangkap ng kahirapan at ang lumalaking kahirapan ay sumasalamin sa kasalukuyang administrasyon.
“Laganap ang mga pamilyang hikahos sa buhay na kinakaharap sa araw-araw ang kawalan ng makain, habang patuloy na yumayaman ang iilan,” diin ni Ilagan.
- Latest