Sanhi ng sunog na ikinamatay ng 4 katao ilegal na koneksyon ng kuryente, pinabubusisi
MANILA, Philippines – Ipinag-utos kahapon ni Makati City Mayor Romulo V. Peña, Jr. sa Makati City Fire Department at pulisya na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga iligal na koneksiyon ng kuryente na sanhi ng sunog at nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao kabilang ang dalawang buwang sanggol noong Linggo ng umaga (Nobyembre 1).
Ipinahayag ni Peña ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga biktimang nasawi na sina Annie Duran Eneria, 44; kanyang mga anak na sina Britney May, 14; Nicole, 8 at ang dalawang buwang gulang na apo nitong si Rodrigo Nathaniel.
Sugatan naman ang mga kaanak na sina Rodrigo, 44; anak nitong sina Rodney, 11 at Ann Teacia, 16, na nilalapatan ng lunas sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa tinamong 3rd degree burns sa katawan.
“We are deeply saddened by this tragedy that has claimed the lives of a mother, her two young children and baby grandson who were living in the unit where the fire reportedly originated. We appeal to our residents to take extra precautions in keeping their homes safe and fire-proof, especially this coming holiday season,” ani Peña.
Pinabubusisi ng alkalde sa Makati City Fire Department at pulisya ang mga report na talamak umano ang illegal na koneksyon ng kuryente sa may Araro St., Brgy. Palanan ng naturang lungsod kung saan naganap ang sunog.
Tumanggap naman ng relief assistance ang may 34 na pamilya mula sa tanggapan ng Makati Social Welfare Department (MSWD) na ipinamahagi ng mga ito sa mga naapektuhan ng insidente. Bukod sa mga relief goods, tumanggap din ng financial assistance mula sa pamahalaang lungsod ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog, na nagkakahalaga ng P10,000.00 (homeowners),P5,000.00 (renters) at P3,000 (sharers).
- Latest