Probe sa nuisance bets sisimulan na ng Comelec
MANILA, Philippines – Sisimulan na ngayong linggong ito ng Commission on Elections ang pagdinig sa certificate of candidacy ng mga posibleng nuisance candidates.
Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na ipinatawag ang mga kandidato na pinadalhan na nila ng sulat.
Dito anya magkakaalaman kung sino ang mga seryoso dahil ilan sa mga presidential wannabe ay hindi naman talaga dumarating sa hearing kagaya noong mga nakaraang halalan.
Idiniin ni Bautista na, kung talagang pursigido ang naturang mga kandidato, ito na aniya ang kanilang pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang kandidatura at hindi ang ibang forum na hindi sakop ng poll body.
Dahil dito, umapela si Bautista sa mga kandidato na kung maaari ay dumating sa araw ng pagdinig upang agad na maresolba ang kanilang usapin.
Kabilang na aniya ito sa kanilang due process. Ginagawa ng Comelec ang lahat upang maibigay sa kandidato at botante ang kanilang mga karapatan.
Kung maaalala sa pagtatapos ng filing ng CoC, umabot sa 130 candidates ang naghain ng aplikasyon sa pagka-presidente sa Comelec head office.
- Latest