Kakayahan ng Telstra pinagdududahan
MANILA, Philippines – May pagdududa ang Philippine market sa umano’y kakayanan ng Telstra na makapagserbisyo sa Pilipinas kapag nakapasok ito sa bansa.
Ito ay dahil umano sa mga isyu sa serbisyo na inirereklamo ng mga kliyente ng Telstra sa Australia.
Ayon sa mga tagamasid, kahit sinasabi ng chief executive ng Telstra na si Andy Penn na magbibigay ito diumano ng maayos na kalidad ng telecommunications services para sa mga Pilipino sa murang halaga lamang, nagkaroon naman ng pagbagsak ang share price ng kumpanya nitong nakaraang buwan dahil sa tumaas na kumpetisyon sa Australia at mga reklamo hinggil sa serbisyong naibigay nito sa kanilang mga subscribers doon.
Kung sinasabi ng Telstra sa Australian Securities Exchange na naglaan ito ng $1.5 bilyong capital para sa mergers at acquisitions para sa huling buwan ng 2015 at ang malaking bahagi nito ay mapupunta sa isa pang kumpanya, hindi pa rin ito ligtas sa kaalaman ng lahat na ang masaklap na karanasan ng marami nitong customers sa Australia, ayon sa mga reklamo ng kanilang mga subscribers doon.
Ayon naman sa Telecommunications Industry Ombudsman, isang fair dispute resolution service sa Australia, ang Telstra ang may pinakamaraming reklamo sa usapin ng telco sa bansa nito lamang May 2015. Sangkaterba umano ang reklamo ng mga customer ng Telstra na natatanggap ng TIO kaysa sa ibang telco users sa nagdaang tatlong buwan kayat nailagay ang Telstra bilang number 1 sa complaint list ng una.
Napaulat din na may mga Telstra customers ang nagrereklamo sa social media nitong nagdaang Oktubre higgil sa sobrang bagal sa pagkonekta sa Apple sites o sa paggamit ng kanilang devices para lamang sa simpleng pag-download ng app mula sa App Store. Ito umano ay nangyayari ng madalas sa mga customers na gustong mag-setup ng kanilang bagong iPhone 6S phones at magi-install ng Mac operating system.
Nangunguna naman sa Facebook at Twitter ang Telstra sa mga reklamo na may nakalagay na “We are experiencing issues with an undersea cable connecting Australia with Singapore. As a result, some customers are experiencing slow service when using mobile devices to download or update apps, or stream music from some providers”. Ito ay sa kabila ng pahayag ng Telstra na kanilang aayusin agad ang problema at hinihingi nila ang pang-unawa ng mga ito at pasensiya.
Ang naturang mga problema ang nagbigay ng pagdududa ng maraming Pilipino kung may sapat na kakayanan ang Telstra na maibigay ang maayos at mabilis na serbisyo sa mga Pilipino sa kabila ng mga reklamo ng iba’t ibang customers sa Australia.
- Latest