Maraming kandidato walang kalaban sa 2016
MANILA, Philippines – Hindi na umano ang mamamayan ang namimili sa tuwing may eleksyon kundi ang mga pulitiko na lang ang nag-uusap usap, kaya dapat ng ibalik ang two-party system sa bansa.
Giit ito ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza bunsod ng mga ulat na maraming kandidato na ang walang kalaban sa 2016 elections kaya tiyak na ang pagkapanalo ng mga ito.
Paliwanag ni Atienza, pinahihina umano nito ang kasalukuyang set up ng demokrasya dahil wala ng laya ang mamamayan na pumili ng gusto nilang pinuno.
Sabi ni Atienza, hindi na ang mga tao ang namimili ng mga ihahalal kundi idinadaan na lamang sa usapan sa pagitan ng mga pulitiko o election by negotiation na lamang ang nangyayari.
Kung iiral umano ang two party system ay masisiguro ang makatotohanang halalan sa bawat distrito dahil may dalawang kandidatong maglalaban sa parehong posisyon.
Isusulong umano ni Atienza ang panukalang two party system sa susunod na administrasyon at umaasang susuportahan ng susunod na presidente.
- Latest