‘Tanim bala’ pina-iimbestigahan ni Miriam sa Senado
MANILA, Philippines – Bilang tugon sa petisyon ng nasa 12,000 netizens, iginiit kahapon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga kasamahang senador na imbestigahan ang sinasabing “laglag bala scam” sa Ninoy Aquino International Airport kung saan nabibiktima ang mga OFW.
Inihain ni Santiago ang Senate Resolution No. 1635 upang pa-imbestigahan sa kinauukulang komite sa Senado ang nasabing scam na ang layunin ay makapangikil umano sa mga nagiging biktima.
Anim na kaso na ang naiulat na ang pinakahuling biktima ay si Gloria Orrinez, isang OFW na patungong Hong Kong, at isang Japanese national na si Kazunobu Sakamoto, na kapwa inaresto noong Oktubre 25. Tanging si Sakamoto lamang ang nakapaghain ng P80,000 na piyansa.
Sinabi ni Santiago na malalakas ang loob ng mga gumagawa ng krimen dahil posibleng naniniwala ang mga ito na hindi sila mapaparusahan.
Samantala, iginiit naman ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na dapat hulihin ang sindikato ng ‘laglag bala’ sa loob ng 28 oras.
“Kung gusto natin ng tunay na pagbabago, kailangan natin ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon. Dapat pabilisin ang imbestigasyon sa ‘tanim bala’ para ang matitinong empleyado ay hindi na madamay sa kalokohan ng iilang abusadong tauhan,” dagdag ni Cayetano.
- Latest