Patay kay Lando, 58 na; P6.57B pinsala
MANILA, Philippines - Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasawi sa bagyong Lando na pumalo na sa 58 habang 85 ang nasugatan at nasa P6.57 bilyon ang iniwang pinsala.
Sa pinagsamang ulat ng pulisya at Office of Civil Defense (OCD ) Region 3, 2 at ng pulisya, 16 ang nasawi sa Cordillera Administrative Region (CAR), 10 sa Region III, tatlo sa Region II, pito sa Region I (Ilocos); dalawa sa National Capital Region (NCR), siyam sa Western Visayas (Iloilo) at isa sa Laguna.
Nakapagtala rin ng walong sugatan sa CAR at isang nawawala habang 55 sa Region III. Siyam naman ang nawawala.
Samantala isinailalim na sa state of calamity ang tatlong bayan ng Pampanga na kinabibilangan ng Candaba, Arayat at San Luis. Ang pagbaha ay dulot ng pag-apaw ng Pampanga River.
Libu-libong residente rin ng Calumpit, Bulacan ang lumikas matapos tumaas pa ang tubig-baha. Sinasabing nagmula ito sa Nueva Ecija at nakadagdag pa ang umapaw na Pampanga River.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang Quirino, Pangasinan, Nueva Eciija; Ilagan City, Isabela at ilang bayan ng Aurora na pinakagrabeng hinagupit ni Lando.
Kaugnay nito, pumalo na sa mahigit P6.57 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa Central at Northern Luzon na hinagupit ng bagyong Lando.
Ayon naman kay Philippine Air Force (PAF) spokesman Col. Enrico Canaya, nagdeliver na rin sila kahapon ng mga food packs at relief goods na isinakay sa C130 plane na inihatid sa mga apektadong pamilya sa Baler at Casiguran, Aurora.
Nagsagawa naman ng humanitarian assistance at disaster relief operations ang Phil. Navy at Phil. Marines sa mga apektadong pamilya sa Dagupan City, San Fabian at ilang brgy. sa Bugallon, Pangasinan.
- Latest