Pantabangan mayor balik puwesto, utos ng CA
MANILA, Philippines – Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang pagbabalik ni Lucio B. Uera bilang nararapat na mayor ng Pantabangan, Nueva Ecija.
Sa anim na pahinang resolusyon ng Special Seventh Division ng CA na may petsang October 13, 2015, ibinasura ni Associate Justice Stephen Cruz na sinang-ayunan nina Associate Justices Myra Garcia-Fernandez at Carmelita Salandanan Manahan, ang mga motion for reconsideration na inihain ng Ombudsman at private respondents kaugnay sa permanent injunction na ipinagkaloob hinggil sa suspension ni Mayor Uera.
Nakasaad sa desisyon na matapos ang masusing pag-aaral sa motion for reconsideration ng mga respondent na may petsang July 22 at 23, 2015, gayundin ang mga comment ng mga petitioner noong August 11, 2015, “walang matibay na dahilan upang baliktarin ang nasabing desisyon.”
“The instant motion has not raised any new or substantial ground or reason that would call for the reversal of our findings. The grounds and issues raised in the motion for reconsideration merely reiterate matters already passed upon by us when we rendered the decision which is sought to be reconsidered. Discussing again now the ratio decidendi of our decision would be belaboring the issues ad infinitum,” nakasaad pa sa resolusyon.
Samantala, umapela naman si Uera kay Vice Mayor Ruben Huerta na sundin ang pinakahuling desisyon ng CA. Bago ang CA order, si Huerta ay magsisilbi sa natitirang termino ni Uera matapos i-dismiss ng Ombudsman.
Nauna nang ipinag-utos ng CA na ibalik si Uera sa posisyon matapos niyang iakyat ang kaso sa CA nang ibasura ng Ombudsman ag kanyang motion for reconsideration noong October 2014. Naka-pending pa ang apela ni Uera nang magpalabas ng dismissal order si Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na nagtulak kay Uera na humiling ng TRO na kinatigan naman ng CA sa pamamagitan ng 60-day (TRO base sa desisyon noong June 18, 2015).
Malugod naman tinanggap ni Uera, kasama ang kanyang mga tagasuporta, ang desisyon ng appellate court.
“Alam ko na mahaba pa ang prosesong ito ngunit umaapela ako sa lahat na igalang ang desisyon ng korte. Patuloy ko rin gagampanan ang aking responsibilidad sa aking mga kababayan sa Pantabangan.”
“Muli akong umaapela kay Vice Mayor (Ruben) Huerta na igalang ang rule of law at magtulungan na tapusin ang isyu na ito,” pahayag pa ni Uera.
- Latest