Sa mga lugar na babayuhin ng bagyo forced evacuation ipinatupad
MANILA, Philippines - Inirekomenda na rin kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama ang pagpapatupad ng ‘forced evacuation’ sa mga lugar na babayuhin ng bagyong Lando partikular na sa Aurora at mga kanugnog lalawigan sa Northern Luzon.
Ito’y matapos na isailalim ng PAGASA sa signal no. 4 ang lalawigan ng Aurora na namemeligro sa pagtama ng bagyong Lando.
Sinabi ni Pama na mapipilitan ang mga rescue team ng militar at pulisya na puwersahang ilikas ang mga pamilyang tatangging lisanin ang kanilang mga tahanan sa mga coastal areas sa Aurora.
Inabisuhan rin ni Pama ang mga lokal na opisyal sa mga apektadong lugar na tumulong sa militar at pulisya sa pagpapatupad ng ‘forced evacuation’.
Kasabay nito, itinaas rin ni Pama ang flood at landslide alert sa mga mababang lugar at mga landslide prone area sa Northern Luzon na namemeligro sa pagtama ng bagyong Lando.
Samantalang pinayuhan rin ng opisyal ang mga residente na makinig sa payo ng mga lokal na opisyal at ng rescue team na lisanin muna ang kanilang mga tahanan bunga ng banta ng bagyo.
Sa kasalukuyan, libu-libong residente na mula sa mga coastal areas , mga naninirahan malapit sa mga pampang ng ilog, paanan ng mga bundok sa lalawigan ng Aurora, Isabela at iba pa ang inilikas upang maiwasan ang kapahamakan sa pagbayo ng bagyo.
Kabilang dito, ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez ay ang kanilang mga regional commands sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, CALABARZON, Bicol at Cordillera Administrative Region.
Partikular na inalerto ni Marquez ang Public Safety Battalion at Municipal Police Station sa mga lugar na apektado ng kalamidad kasabay ng pagbuo sa Disaster Incident Management Task Group.
Samantalang, ayon naman kay AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, nakaalerto na rin ang puwersa ng AFP Northern Luzon at AFP Southern Luzon Command na minobilisa ang tropa, mga kagamitan at iba pang mga assets na kakailanganin sa disaster humanitarian at relief mission.
“The AFP -NOLCOM already activated its response task group and also have alerted yung mga company sized na response units ng mga divisions at pati yung sa mga available na response unit sa brigade at saka sa battalion”, ani Iriberri.
Samantalang, ibayong paghahanda rin ang ipinatupad sa AFP-Southern Luzon kaugnay pa rin ng bagyong Lando lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng storm signal.
- Latest