Petilla, Gordon nag-file rin sa pagka-senador Miriam, Pacquiao at Cayetano naghain ng COC
MANILA, Philippines – Mas dumagsa ang bilang ng mga nais na kumandidato sa 2016 kung saan ilan sa mga kilalang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy ay sina Senador Miriam Defensor-Santiago, sa pagkapangulo; boxing champ Manny Pacquiao, senador at Senador Alan Peter Cayetano, bise presidente.
Hapon nang maghain ng COC sina Santiago at Cayetano sa Comelec Intramuros.
Alas-11 naman ng umaga nang magtungo sa Comelec si Pacquiao kasama ang kanyang misis na si Jinkee at mga anak na si Emmanuel Jimuel Jr. at Michael Stephen.
Sinabi ni Santiago na “phenomenal” o kakaiba ang pagkandidato niya ngayon at ng kaniyang running mate na si Sen. Bongbong Marcos.
Kakandidato si Santiago sa ilalim ng partido niyang People’s Reform Party habang si Marcos naman ay sa Nacionalista Party. Unang pagkakataon aniya itong mag-tandem ang dalawang magkaibang partido.
Kabilang din sa nagfile sina dating SAF Director Getulio Napeñas, Dick Gordon, Jovito Palparan, Walden Bello at dating Energy Secretary Carlos Jericho Petilla.
Baon ni Petilla sa pagsasampa ng COC bilang senador sa ilalim ng Liberal Party ang solusyon sa lumalalang problema sa suplay ng kuryente sa bansa na siyang nagdidikta ng pagbaba o pagtaas ng presyo ng ibang produkto at serbisyo.
“This includes needed amendments to the Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Apart from energy, the former energy chief said he will also focus on health and education – two advocacies “close to his heart,” banggit ng pahayag na inilabas ng kampo ni Petilla kahapon.
Binanggit din nito ang kahalagahan na magkaloob ang gobyerno ng higit pang de-kalidad na serbisyo sa mamamayan dahil hindi makayanan ng karamihan sa mga ito na matapatan ng badyet ang mga umiiral na sistema.
Samantala dadalhin ni Gordon ang kanyang mahabang eksperyensa sa local politics at administration, sa ehekutibo, national politics, at mahabang paninilbihan bilang isang Red Cross volunteer sa pagharap sa mga problema ng poverty alleviation, jobs creation, infrastructure development, at pagpapabuti pa sa ibinibigay na serbisyo publiko.
Si Gordon, na pinakamahabang nagsilbing Chairman ng Philippine Red Cross (PRC) ay naghain ng kanyang CoC para sa pagka-senador bilang isang Independent sa ilalim ng kanyang Bagumbayan-Volunteers for a New Philippines political party kasama ang pamilya at mga supporters.
“Makikitrabaho tayo sa lahat ng grupo na nagsusulong sa interes ng publiko. Marami pang trabaho ang dapat gawin para makapagbigay pa tayo ng trabaho at mas maayos na serbisyo publiko para sa ikabubuti nang pamumuhay ng sambayanan,” ani Gordon.
- Latest