Abby Binay tatakbong mayor sa Makati
MANILA, Philippines – Kakandidatong alkalde sa Makati City sa halalan sa 2016 si Congresswoman Abby Binay kapalit ng kapatid niyang si Mayor Junjun Binay.
Si Abby Binay na kinatawan sa Kongreso ng ikalawang distrito ng lunsod ay nagsampa kahapon ng kanyang certificate of candidacy sa lokal na sangay dito ng Commission on Elections. Kasabay niya ang kandidato niyang vice mayor na si Rep. Monique Lagdameo ng unang distrito ng Makati.
Nangako naman si Mayor Junjun sa kanyang mga tagasuporta na babalikan niya ang kanyang karera sa pulitika at tutulungan niya agad ang mga ito sa tamang panahon.
Naunang ipinahayag ng alkalde na tatakbo pa rin siyang mayor ng lunsod sa kabila ng kautusan ng Ombudsman na permanenteng nagdidiskuwalipika sa kanya na manungkulan sa anumang puwesto sa pamahalaan.
“Napagpasyahan ng partido na si Rep. Abby Binay ang tatakbong Mayor sa 2016,” pahayag ng alkalde. “Siya ay may sapat na kaalaman, karanasan at kakayahan upang ipagpatuloy ang serbisyong Binay, serbisyong nakalaan sa paglilingkod sa mga mahihirap. Humihingi ako ng pang-unawa sa mga nananalig sa aking pamumuno. Ang pagiging lingkod-bayan ay may naka-akibat na mga sakripisyo at pagtitiis. Ang lahat ng ating kailangan gawin ay higit sa ating sarili. Umasa kayo na magpapatuloy ang aking paglilingkod ayon sa itinakda ng panahon.”
Sinabi naman ni Rep. Binay na kakandidato siyang alkalde ng Makati para ipagpatuloy ang laban. “Wala talaga akong planong tumakbo. Pero kailangan kong tumakbo upang ituloy ang laban ng mga Binay....hanggang ngayon ang kapatid ko ginigipit pa rin nila,” sabi pa ng kongresista.
Kasama ng mambabatas sa pagsasampa ng COC ang ama niyang si Vice President Jejomar Binay na kumakandidato namang presidente, inang si Elenita Binay, Sen. Nancy Binay at Mayor Junjun.
- Latest