San Jose Mayor inilaglag na rin ng LP?
MANILA, Philippines – Dahil umano sa kinakaharap na kasong plunder sa Office of the Ombudsman, may ulat ngayon na inilaglag na ng Liberal Party sa kanilang tiket si San Jose del Monte, Bulacan Mayor Reynaldo San Pedro.
Ayon sa isang opisyal na malapit sa partido, naging dahilan sa pagtanggal kay San Pedro bilang kandidato ng LP ang kasong graft sa Ombudsman dahil sa inaakusa sa kanya na “overpricing” sa konstruksyon ng isang gusali ng lokal na pamahalaan.
Sa halip, ipapalit bilang opisyal na kandidato ng LP bilang alkalde ng lungsod si incumbent Rep. Arthur Robes. Tatakbo naman bilang kinatawan sa Kongreso ang misis nitong si Rida Robes.
Sa rekord, sinampahan nitong June 30, 2015, ng kaso ni Councilor Romeo Agapito si San Pedro, 11 pang konsehal, siyam na opisyal ng pamahalaang lungsod at siyam na pribadong tao na kumita umano sa pagpapatayo sa San Jose del Monte City Government Center sa may Brgy. Dulong Bayan na inaasahang matatapos sa 2016.
Inakusahan nito ang mga inirereklamo ng “double procurement” sa disenyo ng gusali. Sinabi nito na umabot sa halagang P14 milyon ang ibinayad para lamang sa “plan and design” gayung may nauna nang disenyo na natapos noong 2003 na nabayaran na sa mas maliit na P4 milyon.
Iginiit rin nito na “overpriced” umano ng P21 milyon ang naturang gusali na paglabag sa procurement laws.
Idinamay rin ni Agapito sa kaso si Vice Mayor Eduardo Roquero, Jr.
- Latest