Caloocan pasisiglahin kong muli - Recom
MANILA, Philippines – Tatangkain ni Caloocan 1st District Rep. Recom Echiverri na muling makuha ang pagiging alkalde ng lungsod makaraang magsumite ng kanyang certificate of candidacy (COC) kahapon kasama ang buo nitong tiket.
Dumalo muna si Echiverri sa thanksgiving mass bago nagtungo ang grupo sa Comelec-Caloocan.
Ayon kay Echiverri, ibabalik niya ang sigla ng Caloocan na napabayaan at ‘di man lamang kinalinga ng kasalukuyang liderato ang mga nagdarahop na sektor ng lungsod.
Kasama ni Echiverri sa paghahain ng kanyang kandidatura ang kanyang Vice-Mayor na si Rodolfo “Ato” Oliva habang tatakbo bilang Congressman sa 1st District si incumbent Councilor Susan Punzalan at sa 2nd District si dating Congresswoman Mitch Cajayon.
Sinabi rin ng nagbabalik na alkalde, na kulang na kulang sa ngayon ang pagtutok ng kasalukuyang pamunuan sa pagbibigay ng de kalibreng health services, livelihood opportunities, trabaho at konsultasyon sa bawat komunidad.
Ipinagmalaki pa nito na sa kanyang siyam na taong panunungkulan bilang alkalde ng lungsod ay halos 95 porsiyento ng mga kalsada sa buong Caloocan City ang kanyang naipagawa bukod pa sa mga kilo-kilometrong kanal habang libu-libong residente rin ang nabigyan nito ng maayos na proyektong pang- kalusugan at magandang trabaho.
Nagdagsaan din ang sangkatutak na health centers, covered courts, school buildings at multi-purpose building na ngayon ay pinakikinabangan ng mga taga-Caloocan.
Sa hinaing kasi ng mga residente, tanging ang pagpapatayo ng mga bagong gusali ang pinagkakaabalahan ng kasalukuyang administrasyon kaya’t napabayaan na nito ang pagbibigay ng napakahalagang basic services.
Tumatakbo ngayon si Echiverri sa ilalim ng NPC makaraang kumalas sa Liberal Party.
Naniniwala rin ito na muling ibabalik ng mga taga-Caloocan ang tiwala sa kanyang pamamahala dahil na rin sa kanyang mga naibigay na magagandang serbisyo dahilan upang bigyan ng napakaraming parangal ang lungsod noong siya ay alkalde nito.
- Latest