Sara Duterte nagpakalbo!
MANILA, Philippines – Tila nagbago na ng desisyon si dating Davao City Mayor “Inday” Sara Duterte at kanya na ngayong hinihimok ang ama niyang kasalukuyang alkalde ng lunsod na si Rodrigo Duterte na kumandidatong presidente sa 2016.
Nagpakalbo pa si Sara upang ipakita ang suporta sa pagtakbo ng ama.
Sa kaniyang Instagram at FB accounts, ipinoste ni Sara Duterte ang kaniyang larawan na may hashtags na # Duterte 2016, #kalboparasa pagbabago, #Nohairwecare #justDUit.
“Nagpa upaw nalang ko samtang naghulat... bisan walay kwarta, bisan way makinarya, bisan mapildi (Nagpakalbo ako habang naghihintay... wala kaming pera, walang makinarya at nakahanda kahit na matalo),” pahayag ni Sara.
Noong Oktubre 12, iginiit ng matandang Duterte na hindi siya tatakbong presidente. Binasa rin niya ang naunang sulat sa kanya ni Sara na pumipigil sa kanya sa pagkandidato sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
“Huwag kang tumakbong presidente. Wala kang utang kaninoman. Marami ka nang nagawa para sa iyong bansa,” saad sa sulat ni Sara.
Ipinahayag pa ni Duterte na hindi siya kailangan ng bansa at humihingi siya ng paumanhin sa mga nananawagan sa kanyang pagtakbo.
“Hindi ko naman inaambisyong maging presidente. Hindi ako kailangan ng bansa. Hindi kailangan,” dagdag niya.
Paulit-ulit ring iginiit ni Duterte na, sa katunayan, ang pagtakbo sa reelection bilang Mayor ng Davao ang kaniyang ikinokonsidera kung hindi tatakbo sa nasabing puwesto si Sara.
Kaugnay nito, patuloy namang umaani ng suporta mula sa kaniyang milyong supporters sa social networking site si Duterte na hinihimok sumabak sa presidential race.
Nitong Setyembre ay ilang milyong lagda ang kinalap ng mga supporters ni Duterte na nag-rally pa sa Luneta sa lungsod ng Maynila bilang pagpapakita ng determinadong suporta upang kumbinsihin ang matandang Duterte na sumabak sa pampanguluhan.
- Latest