Leni: Karakter ‘wag personalidad
MANILA, Philippines - Karakter ng kandidato ang tingnan at hindi ang personalidad.
Ito ang payo ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo sa halos 500 mag-aaral sa isang forum ukol sa youth empowerment sa Carlos Hilado Memorial State College sa Talisay, Negros Occidental.
Ayon kay Robredo, madali para sa isang kandidato ang mangako ngunit ang dapat tingnan sa huli ay kung mayroon siyang magandang karakter para ito’y tuparin.
“Madaling mangako ng magagandang plano pero at the end of the day, kung ano ang pagkatao mo, kung sino ka, iyon ang batayan ng kaya mong gawin,” giit ni Robredo.
Bumisita si Robredo sa Bacolod City noong Martes, isang araw matapos tanggapin ang alok na maging bise presidente ni LP standard bearer Mar Roxas.
Sa pagbisita ni Robredo, isinantabi ng mga lokal na opisyal ng Negros Occidental ang pulitika at mainit na sinalubong ang pambato ng LP sa pagka-bise presidente.
“Isang malaking karangalan para sa lalawigan ang bisitahin ng ating susunod na bise presidente,” wika ni Gov. Alfredo Maranon Jr. sa isang seremonya bilang pagsalubong kay Robredo sa kapitolyo.
Ang governor at mga alkalde ay kabilang sa iba’t ibang partido ngunit pansamantala nila itong isinantabi sa pagsalubong kay Robredo.
- Latest