Martial Law ‘wag kalimutan – Etta
MANILA, Philippines - Hindi kailanman malilimutan ng mga Pilipino ang maitim na nakaraan ng batas militar sa Pilipinas na ipinataw ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong dekada 70.
Ito ang patutsada ni dating Commission on Human Rights Chairman Etta Rosales kay Sen. Bongbong Marcos na nagdeklara nang kakandidatong bise presidente sa halalan sa susunod na taon.
Ginawa ni Rosales ang pahaging bilang sagot sa pahayag ng senador na hindi na nakatuon ngayon ang pansin ng mga Pilipino sa nakalipas na panahon at, sa halip, nais nitong tugunan ang mga problema ng bansa gaya sa sistema ng edukasyon, imprastruktura at kahirapan.
Pero, ayon kay Rosales, tila nakalimutan ng senador na ang ugat ng ilan sa mga problemang kinakaharap ngayon ng Pilipinas ay ang dinanas nito noon sa panunungkulan ng sariling ama ng senador.
“Baka nakakalimutan ni Sen. Marcos na may 10 human rights laws na naipasa dahil sa pang-aabuso na nangyari noong termino ng kanyang ama, kung kakalimutan lang ang mga violations na ito is to make a mockery of the law,” pahayag ni Rosales.
Ayon pa kay Rosales, ang patuloy na pagpapahayag ni Marcos na walang mali sa martial law days at patuloy na pagsasabi nito ng mga magagandang nangyari diumano noong martial law ay pagpapakita lamang ng pagkakaroon ng maling mind set ng senador.
Samantala, suportado naman ni Minority Leader Juan Ponce Enrile ang kandidatura ni Marcos bilang VP at iginiit nito ang Jejomar Binay-Marcos tandem sa halip na Binay-Gringo Honasan team.
Isinantabi ni Enrile ang sinasabing conflict sa pagitan ni Binay at Marcos dahil na rin si Binay ang nagsilbing human rights defender noong panahon ng martial law.
Sabi ni Enrile, sa pulitika ay walang permanenteng kaibigan at kaaway at kung hahaluan umano ng emosyon ang relasyon sa pulitika ay mainam na mag-quit na lamang.
- Latest