Pacquiao ‘pag nanalong senador: Seryoso, walang absent
MANILA, Philippines —Nangako si Saranggani Rep. Manny Pacquiao na pipilitin niyang pumasok palagi sa sesyon ng senado, kung mananalo man sa darating na eleksyon 2016.
Isa si Pacquiao sa may pinakamaraming absent sa Kamara dahil sa kaniyang boxing career na ginugugulan niya ng oras bago at pagkatapos ng kaniyang mga laban.
"Ang inisip ko, kapag pumasok ako kailangan seryoso, walang absent, palaging papasok, dahil buong bansa ang responsibilidad mo," pahayag ng eight-division champion sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News Channel.
Sa kasalukuyan, isa lamang ang tiyak at ito ay ang pagtakbo niyang senador sa nalalapit na halalan.
Inihayag niya ang kaniyang pagtakbo nitong kamakalawa at ang kinakaharap niya ngayong problema ay kung kanino siya sasaling political party.
Aniya ipinagdarasal pa niya ito upang makakuha ng tamang desisyon sa kaniyang layuning tulungan pa ang mga mahihirap.
"Naghihingi pa ako ng guidance sa Panginoon kung sino 'yung sasamahan ko, kung sino 'yung kasama ko sa pagtulong sa mga mahihirap na tao," wika ni Pacquiao.
Sinabi ng boksingero na mismong sa paghain ng certificate of candidacy na lamang siya magdedesisyon.
Ayon sa mga ulat, may nakareserbang slot ang Liberal Party para sa kaniya, ngunit noong inilunsad ni Bise Presidente Jejomar Binay ang United Nationalist Alliance bilang major opposition party sa 2016 ay naroon siya.
"Marami namang kumakausap sa akin. Syempre, siguro makakatulong ako sa kanila at makakatulong sila sa akin. 'Yun ang paniniwala nila kaya kinakausap nila ako," pagbabahagi ni Pacquiao.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, nasa ika-siyam na puwesto si Pacquiao na may 30 percent, habang tumabo naman siya ng 39.6 percent sa hiwalay na survey ng Pulse Asia.
- Latest