Sahod ng guro itataas ni Binay
MANILA, Philippines – Isa sa mga plano ni Vice President Jejomar Binay kapag pinalad na maging Pangulo ng bansa ay iangat ang kalagayan ng mga guro sa bansa tulad ng pagtataas sa sahod ng mga ito.
Ayon kay Joey Salgado, Office of the Vice President and Media Affairs head, agad na hihilingin ni Binay sa itatatag niyang Executive Development Advisory Council na isama sa mga prayoridad ang mga panukalang umento sa suweldo at benepisyo ng mga guro.
“We are looking at adjusting the salary of a Teacher 1 from the salary Grade 11 (P18,549) to at least salary Grade 19 (P33,859),” ani Salgado.
Pinuna ni Salgado na dahil sa mababang kompensasyon, maraming edukador ang napipilitang talikuran ang kanilang propesyon at magtrabaho sa ibang bansa.
Huling nakatanggap ng taas ng suweldo ang mga guro noon pang 2012.
Sinabi ni Salgado na nais din ni Binay na taasan ang instructional materials allowance sa mga guro, study grants para sa kanilang mga anak, tax exemptions para sa karagdagang benepisyo na ibinibigay na sa kanila, at funeral assistance sa pamamagitan ng diskuwento sa burial services.
Plano pa ng Bise Presidente na magbigay sa mga pampublikong guro ng “study leave with pay” upang maitaas ang antas ng kanilang kaalaman at teaching skills o kakayahan sa pagtuturo.
Ito umano ang dahilan kung bakit isinusulong ng Bise Presidente na magkaroon ng 20 porsyentong taas sa share ng education budget upang ganap na maipatupad.
Sa kanyang mensahe sa World Teacher’s Day, pinapurihan ni Binay ang kontribusyon ng mga guro para sa kanyang personal na tagumpay.
Nalungkot si Binay sa hinaing ng mga guro na nabibigyan lamang ng kakarampot na sahod na P10,000 kada buwan kaya napipilitang mangibang-bansa.
- Latest