Mercado siyasatin sa Reyes Brothers - DOJ
MANILA, Philippines – Aalamin ng Department of Justice (DOJ) kung may katotohanan ang napaulat na pagkakasangkot ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa pagtatago ng magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes, na sinasabing mga mastermind sa pamamaslang sa brodkaster na si Doc Gerry Ortega noong Enero 2011.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na inatasan na niya ang Witness Protection Program (WPP) na beripikahin ang impormasyon na nakalap ng Philippine National Police (PNP) na nag-uugnay kay Mercado hinggil sa pakikipag-ugnayan umano nito sa magkapatid habang nagtatago matapos ang nasabing pagpatay.
“I heard about that. I already told the WPP office to look if (those reports) have basis,” ani de Lima.
Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi naman agaran silang magsasagawa ng parallel investigation dahil napaka-sensitibo aniya ang mga bagay na may kaugnayan sa WPP. Kailangan muna umanong matiyak o maberipika kung totoo.
Una nang nanawagan sina Vice Pres. Jejomar Binay at Whistleblowers Association of the Philippines na pinangunahan ni Sandra Cam na imbestigahan ang pagkakadawit ng pangalan ni Mercado sa magkapatid na Reyes, na nakakausap nito sa cellphone habang nagtatago, kasabay ng hiling na tanggalin na ito sa WPP program.
Kabilang sa sinisilip ang pakikipag-komunikasyon gamit ang cellular phone ni Mercado habang nasa kustodiya ng WPP na isa umanong paglabag sa kondisyon.
Iginiit pa ni Cam na may A-1 information siya ukol sa ibinunyag at sinabi niya rin na kaya magkakilala ang Reyes brothers at si Mercado dahil sila ay magkakasama umano sa bisyong sabong.
Nais ni Cam na imbestigahan ng Senate o House of Representatives ang nasabing isyu laban kay Mercado.
Kung hindi aniya tatanggalin ni de Lima sa WPP si Mercado ay umaasa siya na ang papalit kay de Lima na nakatakdang mag-resign, ay gagawin ito.
Si Mercado ay nasa ilalim ng kustodiya ng WPP kaugnay sa pagtestigo nito sa Senado laban sa mga Binay.
- Latest