SWS satisfaction rating ni Binay bumagsak
MANILA, Philippines – Siyam na puntos ang nalagas sa satisfaction rating ni Bise Presidente Jejomar Binay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.
Bumagsak sa +33 ang net satisfaction rating ni Binay ngayong Setyembre mula sa +42 noong Hunyo.
Si Senate President Franklin Drilon naman ang lumabas na most favored top government official na may +42 net satisfaction rating of +42. Malaki ang itinaas ng grado ni Drilon mula sa kaniyang +29.
Bumaba din ang +9 ni House Speaker Feliciano "Sonny" Belmonte Jr. sa +5, habang si Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno ang least favored top government official sa kaniyang +4 rating.
Tumaas naman ang public satisfaction rating ng Senado at Kamara na may +44 at +26, ayon sa pagkakasunod.
Nakapagtala naman ang Korte Suprema ng +27 at +16 naman ang gabinete.
Sa hiwalay naman na survey ng Pulse Asia ay bumagsak din ang grado ni Binay.
Natapyasan ng 15 puntos ang grado ni Binay nitong Setyembre na bumaba sa 43 percent, malayo sa 58 percent niya noong Hunyo.
Katapusan ng Hunyo nang magbitiw si Binay sa gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III at mula noon ay pinuna na niya ang gobyernong tinawag niyang "manhid at palpak."
Isinagawa ng SWS ang survey nitong Setyembre 2 hanggang 5, kung saan 1,200 adult Filipinos ang kinuha.
- Latest