Mar ikinalungkot ang Laguna ‘sexy dancers’
MANILA, Philippines – Hindi ikinatuwa ni Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas ang pagtatanghal ng tatlong kababaihan sa event ng kanilang partido sa Laguna.
Sinabi ni Roxas na iniimbestigahan na nila ang insidente kung saan todo hataw sa pagsayaw ng sexy ang mga babae.
"Ikinalulungkot kong nangyari ito, at nagsasagawa na ang Partido Liberal ng mas malalim na pagsisiyasat sa ugat ng pangyayari," pahayag ni Roxas.
BASAHIN: #DaangMatuwad: Netizens react to twerking girls in LP event
Iginiit niya na hindi niya nasaksihan ang insidente dahil nakaalis na siya nang magsimula ang sayawan na nauwi sa pagtuwad.
Hindi rin aniya papayagan ang anumang klaseng pagsasamantala sa mga kakabaihan.
“Lilinawin ko po: Mariin kong ipinagbabawal sa anumang aspekto ng ating kampanya ang ganitong uri ng pagsasamantala sa kababaihan," wika ng dating Interior and Local Government secretary.
"Naniniwala akong may sapat na talino ang publiko upang tumutok sa makabuluhang diskurso ukol sa mga isyu at pagkatao ng mga kandidato. I remind those who stand with us on the Daang Matuwid: Iwaksi natin ang ganitong klaseng mga gimik, lalo pa’t nakakabastos ito, at walang naitutulong sa pagtataas ng antas ng pampublikong diskurso," dagdag niya.
Ayon sa ulat, sinabi ng emcee ng programa para sa kaarawan ni Laguna Rep. Benjamin Agarao Jr. na pinadala ito ni Metropolitan Manila Development Authority Chair Francis Tolentino.
Pinabulaanan naman ni Tolentino ito at sinabing isa lamang din siyang panauhin sa LP event.
Nangyari ang insidente isang araw matapos magdeklara si Tolentino ng kaniyang pagtakbo sa Senado sa 2016.
- Latest