Lifestyle check sa OTS at MIAA officials
MANILA, Philippines - Nanawagan si Davao City Cong. Karlo Alexei Nograles sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng lifestyle check sa lahat ng tauhan at mga opisyal ng Office of Transportation Security (OTS) at Manila International Airport Authority (MIAA).
Kasunod ito ng nabulgar na ‘laglag bala’ modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para umano makapangikil sa mga pasahero.
Ayon kay Nograles, nakatanggap siya ng mga impormasyon na maraming taga-OTS at MIAA ang sagana sa buhay dahil sa iba’t ibang raket sa paliparan.
Malamang anya na ang ‘laglag bala” raket ay isa lamang sa istilo ng pangongotong sa mga pasahero sa airport at hindi na rin ito magtataka kung may mga kaso ng diumano’y planting of evidence tulad ng illegal drugs sa mga incoming at outgoing passengers.
Iginiit din ni Nograles na dapat third-party ang mag-imbestiga sa ‘laglag bala’ scheme sa NAIA, partikular ang National Bureau of Investigation at hindi ang sariling mga tauhan sa airport.
Paliwanag nito, masyadong maluwag ang mga otoridad sa paliparan dahil inilipat lamang sa ibang unit ang mga pasaway na tauhan sa halip na suspendihin.
- Latest