Rizal pinugutan ng kidlat
MANILA, Philippines - Naging tampok na lugar ngayon sa plaza ng Biñan ang pugot na monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal.?
Hindi maiwasan ng mga dumadaan papuntang palengke o sa simbahan ang ‘di tumingala at tumingin sa walang ulong rebulto ni Rizal na nasa gitna ng plaza.?
Sa kalakasan ng ulan nuong Martes ng gabi (Sept. 22), malakas na kidlat ang diumano’y tumama sa rebulto ni Rizal at nasapol ang ulo nito.?
Ayon sa mga nagtitinda malapit sa monumento, sa tindi ng tama ng kidlat ay nagkadurog-durog ang ulo ng rebulto at hindi na ito nakita.?
Upang hindi maging kapansin-pansin ang pagkawala ng ulo sa katawan ni Rizal, binalutan ito ng puting kumot habang wala pang pahayag ang pamunuang panglungsod kung kailan magsasagawa ng pagsasaayos sa rebulto.?
Ang monumento ni Rizal ay pinaniniwalaang ginawa ni national artist Guillermo Tolentino na siya rin ang lumikha ng Bonifacio Monument sa Caloocan City at ang kilalang Oblation ng University of the Philippines sa Diliman.?
Sa isang maikling pahayag matapos ang di inaasahang insidente nuong Martes ng gabi, sinabi ni Mayor Len Alonte na pag-iibayuhin niya na maibalik ang dating anyo ng monumento ni Rizal.
Ang nasirang rebulto ay ilang metro lamang ang layo sa makasaysayang bahay na bato na mas kilala sa tawag na Alberto house na may kaugnayan sa buhay ng pambansang bayani.?
Ang Alberto house na pag-aari ng pamilya ni Doña Teodora Alonzo na ina ni Rizal, ay ipinaglalaban ng ilang makabayan na maibalik sa dating anyo at gawin isang heritage site bilang pagkilala sa ibinahaging kasaysayan ni Rizal sa bayan ng Biñan.
- Latest